WALA PA RING PALIWANAG“Ako ang Sayote,” bungad sakin ng mga ilang-daang berde at bilo-habang sayote.
Pagkatapos kong makatakas sa mga tanigue kagabi ay umuwi ako sa bahay ng pagod na pagod.Gusto ko sanang matulog ng mga dalawang araw para mabawi ko ang aking lakas.Paakyat na'ko sa hagdan patungo sa kubo ko.Nasa pangalawang hakbang pa lang ako nang maramdaman ko na may naghihintay na panganib sa loob. Bumalikwas ako galing sa hagdan sa pag-asang makakatakas ako sa encuentrong yaon. Ngunit mula sa kawalan ay may humarang saking dalawang malalaki at malalansang katawan.Ang mga Tulingan, kalabang mortal ng mga Tanigue.Hindi lang ako basta malas, malas akong malapit ng mamatay.Bumaba ang isang guapong Tulingan galing sa kubo ko, “Ano itong bagong kapangyarihan na iyong ginamit kagabi sa mga Tanigue?” tanong sakin ng guapong Tulingan. “Anong pinagsasabi mong kapangyariahan? E halos mamatay nako kagabi sa palikpik ng mga isdang yun?!” Anlabo! Ano na naman 'tong gustong palabasin ng mga Tulingan na 'to? Pero hindi nila agad ako pinatay,bakit?
Kilala ang buong Kaisdaan sa pagkamuhi nila sa mga tao, marami sa kanila ang naniniwalang kailangang lipulin ang sangkatauhan, at ang nangunguna sa pagpapalaganap ng kaisipan na ito ay ang lahi ng mga Tulingan-ang berdugo ng mga tao.Ako na yata ang unang taong kinausap ng mga Tulingan ng ganito kahaba.
“Kagabi ay nagliyab ang kalangitan at umulan ng berdeng apoy bilang tugon sa iyong panalangin na makatakas sa mga Tanigue.Paano mo ginawa yun?!” singhal ng isda. Berdeng apoy? Tanga talaga 'tong mga isdang 'to, hindi nila makita ang pagkakaiba ng apoy sa sayote.Pero baka pagkakataon ko na 'to para makatakas sa kanila, baka puede kong sabihing...”Umalis kayo sa harapan ko ngayon din! O baka gusta nyong malusaw sa kapangyarihan ng aking berdeng apoy? Mwahahahahaha”!!!
Binugbog nila ako.
Nang halos mawalan na'ko ng malay ay ginapos ang mga paa't kamay ko at itinapon sa ilog. Nalulunod na'ko, katapusan ko na.
WAKAS
Hindi pa pala. Nagising na lang ako sa pampang ng kabilang bahagi ng ilog. Marahil nadala ako ng alon o siguro...ah...nadala ako ng alon. Ang sakit ng buong katawan ko, ang lansa ko na rin. Dahan dahan akong nagpagulong-gulong patungo sa isang malaking bato,siguro may matalas na bahagi yun, para maputol ko na ang aking mga gapos.Dalawang gulong na lang nasa may bato nako. Sa aking huling gulong ay tuluyan akong nagpagulong-gulong. Huh?!. May butas pala dun na hindi ko nakita.Nahilo kase ako sa kakagulong. Asan na'ko? Malamang kuweba 'to, imposible namang bahay ng kuneho. Baka mayamang kuneho? Hindi, kuweba nga. Pinilit ko ang magang-maga kong katawan na umupo.Kahit bugbog sarado tsaka basang-basa basta buhay okey na.
Habang nagmumuni-muni ako sa kapalaran ko at sa kung papaano ako makakaalis sa kueba ay may naaninag ako sa di kalayuan. Isang liwanag. Isang berdeng liwanag. Oo, pinuntahan ko yung ilaw. At nagimbal ako nang makita ko ang sanhi ng kaliwanagan.
“Ako ang Sayote,” bungad sakin ng mga ilang-daang berde at bilo-habang mga gulay. Naandun sila lahat sa isang maliit na sulok ng kuweba.Ang kanilang mga balat ang nagbibigay ng mapusyaw na berdeng liwanag. “Isa kang mapangahas na tao para hanapin ako,” ugong ng mga sayote.Wala akong masabi, hindi ko alam paano makipagusap sa gulay. “Hanga ako sa tapang na iyong pinamalas at bilang gantimpala gagawin kitang kanang kamay!”. Eyng?! Teka lang, saang hospital nanggaling ang sayoteng 'to? Kanang kamay? E wala namang kamay ang sayote a! Pero wala pa ring lumabas na mga salita sa bibig ko, hindi ko pa rin matanggap na puedeng magsalita ang isang gulay. Nang bigla na lamang lumutang ang mga sayote at pinalibutan ako. Patulin nang patulin ang pag-ikot nila sa'kin. Alam ko na ngayon ang pakiramdam ng mga ginisang gulay. Paikot-ikot,sobrang nakakahilo. Nauubusan na'ko ng hininga, katapusan ko na.
WAKAS
(pero hindi pa talaga)